Nirvana Code

Nag-hayskul ako sa isang pribadong Katolikong paaralan. Ang school director ay ang parish priest sa aming bayan at ang ibang school administrators at teachers ay pawang mga madre ng Dominican Sisters o Order of Preachers na narinig kong sinabi dati ng values education teacher ko noong ako’y nasa ikalawang taon sa hayskul. Sa totoo lang, nag-enrol ako sa iskul na iyon kasi gusto ng nanay ko na doon ako mag-aral para bumait daw ako o mabawasan man lang ang sungay ko. At ang isa pang dahilan, gusto ko ang uniporme at napagdesisyunan namin ng kaibigan kong matalik na si Antot na doon na nga mag-enrol kesa sa Science high school sa kabilang bayan. Hindi ko mawari pero noong mga panahong iyon, pareho kami mag-isip. Nasa top 5 ako sa aming klase noong ako’y nasa elementarya at sa ngayo’y may konting pagsisisi na hindi ako kumuha ng entrance test sa Science high school na iyon at sa halip sa Catholic school sa aming bayan ako pumasok.

Maayos naman ang naging takbo ng pag-aaral ko kahit na bago magsimula ang aktuwal na klase, kelangang pumasok ng maaga upang magsimba muna at ganun ang pangyayari sa halos araw-araw. Maliban sa araw ng Miyerkules dahil sa hapon ang simba, hindi sa umaga. Inaamin ko naman na noong huling taon ko sa hayskul, madalas akong magpa-late para hindi ako maka-attend ng misa na saulado ko na ang pagkakasunod-sunod ng mga bahagi nito. Oo, hindi ako santa.

Nagpapasalamat din naman ako sa paaralang iyon dahil madami akong nakilalang kaibigan, barkada, kaasaran at kung anu-ano pang kasama sa kalokohan ng tipikal na estudyante. Masasabi kong hindi naman ako naging sakit ng ulo at tiyan ng mga naging titser ko doon, kahit na may pangyayaring nakasagutan ko ang Math titser ko dahil sa ayaw kong sumali sa cheering squad ng St. Mark, ang aming team house name, noong Sportsfest week. Hindi kasi ako sports-minded, green-minded lang. Pang-indoor games lang ata ako tulad ng scrabble. Aminado naman ako na kapag ayaw ko, ayaw ko talaga at iilang tao lang sa buhay ko ang nakakasira ng pananaw na iyon.

Ang buhay sa isang Katolikong paaralang ay hindi ganoon kadali. Nandiyan iyong pagguhit ng rosaryo (with proper labeling) bilang bahagi ng pagsusulit at hindi mo pwedeng balewalain iyon dahil 20 points ang mawawala sa’yo at pagsaulo ng mga nakakahilong misteryo nito na wala na atang misteryo para sa akin dahil lagi na lang natatalakay sa klase, ang paggawa ng Research paper tungkol sa iba’t-ibang santo, Santo Papa at kasaysayan ng Katolikong Simbahan sa Roma at kung anu-ano pang pag-aaral sa CBCP teachings at Bibliya. Siguro mahirap lang intindihin ang bagay na pilit sinisiksik sa sistema mo o iyong katulad ng eksena na kung saan ayaw mong kainin ang hindi kasarapang ulam na inihain ng nanay mo ngunit ayaw mo siyang magalit sa kaartehan mo at bawasan ang alawans mo.

Ang kawalang boses upang ipahayag ang mga naiiba kong ideya o pag-aanalisa sa mga isyu na inilalatag ng mga madre ay kalimitang nauuwi sa tahimik at payapang pagtanggi sa mga utos nila katulad ng bawal ang masyadong kolorete sa mukha, makipag-boyfriend o girlfriend, magtabi sa upuan ang mga nagliligawan o me relasyon na, ang paghahatiran tuwing tapos na ang klase, sobrang haba o iksi ng palda, me hikaw sa lalake, pagpapakulay ng buhok pati ang istilo ng gupit ay masisita kung hindi naaayon sa panlasa nila, at ang madalas sitahin sa mga babae, ang manipis na blouse, hindi dapat nababakat o naaaninag ang bra, ang solusyon dito ay pagsuot ng sando maliban sa bra at pagdala ng abaniko dahil hindi kalakasan ang ceiling fan, wala naman kasing aircon. Kung mayroon man akong sinang-ayunan sa pangaral o pag-aalala nila ay iyong pag-iwas sa mga bisyo o ilegal na droga at pagyosi. Dati naisip ko rin naman na tumikim o para man lang sa karanasan, masubukan kung ano ang pakiramdam o epekto ng droga sa katawan. Sa kabutihang-palad, hindi ko naranasan iyon dahil wala naman akong kaibigan na humikayat sa akin ng ganoon at kahit papaano, alam ko na puwedeng iyon ang magsilbing bintana at pintuan tungo sa madilim na bahagi ng buhay, ika nga ng vocalist ng isang Pinoy rock band.

Sa aking personal na karanasan, alam kong may ilang kabataang pumapasok sa Katolikong paaralang ang nagdadaan sa paraang naisip ko noon, sa tahimik na pagtutol sa napakaraming bawal. Baka bumaba ang marka ko noon, mapag-initan pa ng nanay ko ang pakikipag-bofriend ko at mahalukay pa ang hindi na dapat pagtalunan.

Alam ko naman na gusto lang nilang maging maayos ang itsura namin dahil sa may imahe kaming dapat ipakita o panatilihin. Dahil nga sa kami ay nasa Katolikong paaralang, kailangan na maipakita namin na pulido ang aming pag-uugali, pag-iisip at may takot sa Diyos. Kasi kami ang sasalamin sa pagkato nila, hindi man buo nilang pagkatao pero may bahagi pa rin sa kanila. Ganoon ang paniniwala ng ibang tao, ang pagpapahalaga sa biswal na imahe upang tumibay ang pananampalataya o paniniwalang ispiritwal. Hindi ko kinukutya ang anumang relihiyon partikular ang Katolikong Simbahan. Inirerespeto ko ang paniniwala nila hinggil sa mga imaheng kahoy. Opinyon ko lamang iyon katulad ng aking paniniwala na mayroong “Supreme Power” o God/Diyos sa ibang ngalan, kahit anong gusto mo. Subalit, sa ngayon, wala akong partikular na relihiyong kinabibilangan at ang pahayag na “ I belong to Him” ang aking klasipikasyon at hindi sa anumang organisasyong itinatag ng aking kapwa.

“If you really believe that there is God, there will be God, right beside you or right within you.” No need for visual images. Simply believe and feel Him.

1 Tugon sa ngayon »

  1. 1

    eloiski sinabi,

    may tama ka. tamang tama lahat ng sinabi mo.
    galing din ako sa catholic school kaya nakarelate ako sa mga sinasabi mo dito.


Puna RSS · BakasPabalik URI

Sabihin ang nais