Tao Pa Rin Ako Kahit Na Hindi Maligo

             Isipin niyo na ang gusto niyong isipin. Nakakadiri. Dugyot. Mabaho. Isigaw niyo na ang gusto niyong isigaw. Yikes! Gosh! Shocks! Yuckie at kung anu-anong terms of disgust ni Kris. Pero para sa akin, kaya kong hindi maligo ng limang araw o isang lingo kahit na madami namang pagkakataong hawakan ang tabo o buksan ang gripo o dutsa sa banyo. Nagsesepilyo at nahihilamos naman ako pagkatapos kumain. Kinatatamaran ko lang talaga ang maligo. Sabi nga ng mga kapatid ko, ako lang ata ang taong may “water sign” o Pisces ang zodiac sign ang hindi fascinated sa tubig. Pero niyayakap ko ang ideyang paliligo sa dagat kahit na hindi ako marunong lumangoy. It seems ironic ba?! O pwede rin namang hindi totoo yung sinasabi ng ibang astrological expert diyan o maaaring may doctorate degree sa aspetong pangkalawakan na may kaugnayan sa pamumuhay ng tao.

 

            Siyempre naman, kilala ng balat ko at anit ang iba’t ibang sabon, lotion at shampoo na madalas makita o mapanood sa telebisyon. Kapag ako naman kasi ang naligo, puwedeng umabot ng dalawang oras, dahil nga sa hindi ako araw-araw maligo, sinisigurado ko na talagang malinis ang katawan ko bago ako lumabas ng banyo.

 

         Kadalasan, dalawang beses akong magsabon, dalawang beses ding magshampoo bukod pa sa paglalagay ng conditioner na pilit dinidikta sa utak ko ng mga makulit na TV advertisers. Pati ang pagsesepilyo, Colgate man yan o Close-Up na maanghang na nakakagising ng aking kamalayan para ulitin ang pagsesepilyo.

 

Maaaring ginagawa ko ng dalawang beses ang dapat gawin sa loob ng banyo dahil sa kilala ko na ang sarili ko, alam ko na hindi naman kasi ako maliligo kinabukasan kaya habang walang halimaw sa utak ko, lilinisin ko ng maigi ang katawan ko.

 

Wala naman kasing mababago, maaaring babango ako kung araw-araw kong makakasalamuha si Glossy Pantene o si Rejoice to the world pero ang katotohanan ay tao pa rin ako, nandiyan man sila o wala. Sabagay, ang pakikitungo ko naman sa kapwa ay hindi masangsang. Hindi ako perpekto, maaaring may mga pakakataon dahil sa galit, may salitang hindi dapat nabigkas. Hindi sa kayabangan o kaangasan, pero alam ko ang ibig sabihin ng salitang “respeto”. Marunong akong rumespeto sa pamamagitan ng wisik ng pabango upang itago ang kanina pa gustong humiwalay na libag.

1 Tugon sa ngayon »

  1. 1

    maru sinabi,

    ayos!!! pwede malaman ano pabango mo? hehehe! magandang araw po.


Puna RSS · BakasPabalik URI

Sabihin ang nais